Published August 2nd, 2008 by tinga

Tsakit Ko (Unang Yugto)

Nagumpisa na namang sumakit noong Mayo ang aking tiyan. Akala namin ng asawa ko okay na ako matapos ang aking huling operasyon. Gumawa ng biopsy sa bitukang pinutol sa akin para malaman kung ano ang sakit ko. Nagulat ka? Oo, pinutol ang bituka ko  (ginawang isaw ;-) ) dumikit kasi ito sa aking pantog . Naranasan ko na yung kinakatakutan ko at palagay ko maging kayo nung bata pa tayo, lagi kasing sinasabi satin ng matatanda na pag nadadapa, nasasaktan at umiiyak tayo na, “Huwag kang umiyak, malayo sa bituka yan!” :D

Crohn’s disease ang lumitaw na sakit ko sa resulta ng biopsy. Hindi kilala sa atin sa Asya ang sakit na Crohn’s, sa Isteyts at sa Europa madaming may sakit na ganito. May pagkakahawig ang sakit na ito sa Tuberkolosis ng bituka at medyo mahirap daw ipagkaiba ayon sa aking mga doktor. Nung na-ospital ako, Tuberkolosis sa bituka ang ginamot sa akin at pinainom ako ng gamot sa TB sa loob ng isang taon maliban pa sa mga antibiotics na iniinom at isinasaksak sa akin noong naospital ako :-?

Bago ang sakit ng tyan, nag-chills ako ng ilang araw, pero hindi namin alam kung konektado ito. Nagpunta kami sa isang ospital dito sa Singapore para magpatingin sa isang GP, Gastro-Enteritis daw sabi ng doktor. Binigyan na naman ako ng antibiotics para gamutin ito. Nung nasa ospital, naisipan ni Sheila na ituloy na namin patignan sa isang Espesyalista sa Tyan ang resulta ng biopsy ko sa Crohn’s para makasigurado. Noong araw din na yun, binigyan agad ako ng gamot ng doktor na makakatulong sa sakit ko, anim na tableta ng Pentasa sa isang araw.

Natatakot din ako magpatingin nung una dahil nung nagbasa ako ng mga artikulo ukol sa sakit na ito sa internet, ang madalas na ginagamit na gamot ay steroids. Natatakot lang ako sa mga masamang epekto na maidudulot nito kapag inumpisahan agad ako gamutin. Ang problema pa dito eh pag nagka-TB o may TB ang uminom nito ay lalong lalala ito dahil ang steroids ay isang immuno-suppressant na gamot (pinipigilan nya ang iyong katawan na lumaban sa mga sakit).

Noong mga unang linggo ng gamutan, maganda ang responde ng aking katawan sa gamot. Lumakas ang gana kong kumain at naramdaman kong lumalakas ako! Ngunit noong ikalawang linggo na ng gamutan, sumakit na naman ang aking tyan. Bumalik agad kami sa doktor nung hindi nawawala ang sakit na nararamdaman ko. Sinabi agad sa akin ng doktor na kailangan nyang silipin ang aking tyan, pinamili nya ako sa dalawang klaseng paraan, ang “Nasal Scope” at “Endoscopy”. Kapag “Nasal Scope” daw ang pinili ko, di ako kailangan patulugin, at noong araw din daw na yun eh pwede nya agad itong gawin. Kapag naman “Endoscopy”, papatulugin ako, pero sa kinabukasan ng umaga pa nya pwedeng gawin ang procedure na ito. Ang suhestyon ng doktor, “Nasal Scope”, mas mura kasi ito (SGD 450.00. Mura? :???: ) at agad nya itong magagawa. Ipinakita pa nga ng doctor sa akin ang litrato ng isang babae na ginagamitan ng “Nasal Scope”, may nakapasok na tubo sa ilong nito at parang komportableng komportable sya habang dumadaan sa procedure. Ang “Endoscopy”, mas mahal sya (SGD 650) dahil gagawin ang procedure sa kwarto ng Day-Surgery. Hmmmmm, ano sa tingin nyo pinili ko :?:

Nung nakita ko na sa ilong pinapasok ang tubo at gising ako, sabi ko kay Sheila, “Hon-hon, sa Endoscopy na lang tayo.” :lol: Sa totoo lang, di ako takot sa kahit anong procedure na ginagawa sa akin. Katunayan:

  • Noong naoperahan ako sa naipit kong daliri na pinalagyan ng dahon ng “Katakataka” :shock: ni Aling Becky kaya nabulok eh gising ako.
  • Noong tinanggal ang aking appendix. Hindi ako naiyak dahil sa sakit, naiyak ako dahil ayaw ako bigyan ng tubig ng mga nurse :lol: Kailangan ko daw kasi mautot pagkatapos ng operasyon bago uminom ng liquid :lol:
  • Madaming endoscopy na akong nadaanan, mga pito at mga dalawa dun eh gising ako.
  • Noong kinuhanan ako ng biopsy sa tyan sa pamamagitan ng isang mahaba at malaking karayom eh gising ako.

Parang di kasi ako mapalagay na may ipapasok sa ilong ko na gising ako kahit na nga ba malaki butas ng ilong ko :mrgreen: Nakita yata ng doktor na nagdadalawang isip ako, sabi nya sa akin, magisip daw muna kami at sabihin na lang namin sa nars nya kung ano gusto namin. Nung nasa labas na kami ng klinika, malamang na sa loob ko na “Endoscopy” ang gusto ko, nalalakihan lang ako sa pagkakaiba ng presyo (SGD 200), malaki yan! :roll:

Lumapit sa amin ang nars, buti na lang Filipina. Nagtanong ako sa kanya, “Francisca, di ba pwede sa bibig ko na lang ipasok ang tubo pag Nasal Scope?”, sabi nya, “Pwede Sir, yung kaninang umaga po sa bibig pinasok.”. Hindi ko maipaliwanag ang luwag ng pakiramdam ko nung nalaman ko na pwede naman pala sa bibig. :lol: Sabi ko agad sa kanya, “Sige, Nasal Scope na kami ngayon!”.

Mga ala-una nang inumpisahan gawin sa akin ang procedure. Gising ako, habang ipinapasok ang tubo sa aking tyan, nasa loob din si Sheila ng kwarto. Ipinapakita sa amin ng doktor sa isang TV screen ang loob ng aking ngala-ngala, tyan at maliit na bituka ko. Wala akong problema sa ngala-ngala at sa maliit na bituka ayon sa nakita nya, pero pulang pula ang loob ng aking tyan. Kailangan daw ako bigyan ulit ng gamot para dito.

Published June 30th, 2008 by tinga

Libreng Raro (pyTrivia)

House-arrest na naman ako :roll: Medical Leave ako ng isang Linggo at liquid diet lang ang binigay sakin ng doctor dahil may problema na naman ako sa bituka. Ewan ko ba sa bituka ko, di na nawala ang problema!  :-?

Para maaliw -aliw nag-aral na lang ako ng bagong programming language. Nakita ko kasi sa discussions sa Nokia Forum na isa sa pinakamadaling language sa paggawa ng application sa mobile eh ang “Python for Symbian” o ”pyS60″. Makalipas ang tatlong araw ng pag-aaral, gumawa ako ng isang simpleng laro para sa Series 60 v3 na phones.

Di nyo siguro alam, mahilig kami maglaro ng trivia o word games ng asawa ko, kaya para sa kanya ginawa ko ang “pyTrivia” :)

pyTrivia

Download PyTrivia

 

Published May 19th, 2007 by tinga

Maligayang Anibersaryo Mami at Dadi!

Ngayong araw na ito ang ika-32 anibersaryo ng aking mga magulang. Ang bilis ng panahon, dati kapag dumadating ang araw na ito, nagluluto ang aking ina ng “Nilagang Pata” na paborito ng aking ama at yun ang aming pagsasaluhan sa hapunan. Ngayon ay halos limang taon na silang nasa Amerika.

Pastor ang aking ama at Diakonesa/Guro naman ang aking ina. Tatlo kaming magkakapatid. Ang bunso na si Bless ay nag-aaral sa Baguio ng Masteral sa Special Education (di pa daw kasi sya nagsawa sa mga kapatid nyang “Special Children”, namimiss nya siguro kami…he he he :) ), ang sumunod naman sa akin na si Dave ay sa Cabanatuan nagtatrabaho kasama ang kanyang asawa na si Arlene at nandito naman kami ng asawa kong si Sheila sa bansa ng mga Anti at mga Ankol.

Lolo Lucio, Mommy and DaddyIdolo ko ang aking mga magulang, lalo na sa pagpapalaki sa amin. Planado ang pagkakasunod-sunod naming magkakapatid, halos tig-aapat na taon ang pagitan ng bawat isa para hindi daw sila mahirapan lalo na pagtungtong namin sa Kolehiyo. Hindi naman kami ganoong kahirap, pero mahirap maging pamilya ng isang Pastor. Ganun pa man, masaya naman ang aming pamilya, di kami umabot sa panahon na wala na kaming kakainin sapagkat palaging may mga pagpapala na dumadating sa amin. Naalala ko tuloy noong nasungan kami ng bahay sa Calumpit, ang mga suot lamang namin na damit ang natira sa amin, pero noong araw din na ‘yon ay nagdatingan ang mga tulong galing sa mga miyembro ng simbahan, kapit-bahay at mga kaibigan.  Sa Muzon naman madalas ay may ulam kami na galing sa mga miyembro ng simbahan, ito yata ang lugar na halos araw araw ay may handaan. Sa Cabanatuan, hindi kami nawawalan ng bigas. Mauubusan siguro kami ng ulam pero hindi ng bigas. Lagi akong kinakantyawan dati ng aking mga kaibigan, bakit daw ang lakas kong kumain ng kanin at ang hina ko daw kumain ng ulam. Nakasanayan ko na kasi siguro, hindi naman sa kokonti ang aming ulam kundi napakadami palagi ng kanin sa bahay namin.

Siguro nagtataka kayo kasi ang dami ko nang nabanggit na lugar na aming pinanggalingan. Ganyan kasi ang buhay ng pamilya ng Pastor, palipat lipat ng destino. Tubong Nueva Ecija ang aking mga magulang, taga-Talabutab Norte ang ama ko at taga -Macatbong naman ang aking ina, pareho silang mga Ilokano. Ako naman ay ipanganak sa Guiguinto sa Bulacan, pagkatapos ng isang taon ay nalipat kami sa Malolos. Di ko na matandaan kung ilang taon kami doon pero pagkatapos sa Malolos ay napunta kami sa Calumpit. Sa Calumpit ako nag-aral ng Elementarya, dito din ipinanganak si Dave at si Bless. Noong aapak na ako sa ika-apat na baitang ay nalipat kami sa Muzon sa Malabon. Matapos ang limang taon ay nabalik kami muli sa Cabanatuan sa Nueva Ecija. Mahirap sa aming tatlong magkakapatid ang paglipat-lipat lalo na sa pag-aaral, pero masaya. Madami kaming naging mga kaibigan at nasanay kaming makisalamuha sa iba’t ibang uri ng tao. Malaking bagay ito sa aming paglaki (di nga pala kami lumaki, he he he :) ) pagtanda dahil nagagamit namin ito sa aming pag-aaral at sa pag-tatrabaho. 

Di man kami mayaman ay ipinaparanas lagi sa amin ng aming mga magulang ang magandang buhay. Kapag Pasko, di nalilimutan ng aming mga magulang na bilhan kami ng bagong damit. Tuwang tuwa kami kasi iyon ang panahon na kami ang pipili ng gusto naming damit. Naalala ko pa nung nasa ika-anim na baitang ako, ang tatak ng sapatos kong pamasko ay “U.S. Gear” (ito ang local version ng “L.A. Gear“), ang damit ko ay “Top 40″  at “Acid Wash”  ang pantalon ko! (Wow, japorms! he he he :) )  Katabi pa namin matulog kapag bisperas ng Pasko ang mga damit namin! 

Isa sa mga pinakahahangaan kong ugali ng aking mga magulang ay ang kanilang pagiging matulungin. Noong nasa Cabanatuan pa kami, halos araw-araw ay may mga taong pumupunta sa bahay upang humingi ng tulong. Hindi naman sila nabibigo, sapagkat handang tumulong lagi ang aking mga magulang kahit sa maliit na paraan. Hindi kami nawawalan ng ihahanda sa mga bisita, laging may nakahanda ang ina kong biskwit, kape at juice para sa mga dumadalaw. Kapag dumadating ang mga bisita sa panahon ng agahan, tanghalian o hapunan na wala kaming masyadong ulam, nagbubukas na lamang sila ng pandagdag na de-lata, sigurado naman na hindi mauubusan ng kanin para sa kanila. Naging Superintendente kasi ng Distrito ang aking ama sa probinsya ng Nueva Ecija, sya ang namamahala dati ng higit sa limampung simbahan ng Metodista sa kalahati ng probinsya. Akala yata ng iba ay mayaman na kami dahil sa puwestong iniatas sa aking ama, pero sa totoo lang, dito namin naranasan ang panahon na ilang buwan hindi sumasahod ang aking ama. Di nga namin alam na magkakapatid kung paano kami naipagtaguyod ng aming mga magulang noong mga panahon na iyon. Nasa Kolehiyo kasi ako at malapit na ding tumuntong ng Kolehiyo si Dave.  Gayun pa man, napagtagumpayan ng aming pamilya ang mga panahon na iyon, naniniwala akong ibinabalik lamang ng Dios sa aking mga magulang ang mga pagpapala dulot ng kanilang kabutihan. 

Ngayon, may kanya-kanya na kaming trabahong magkakapatid. Kung ano at nasaan man kami ngayon, ay dahil ito sa pagtataguyod at pagpapalaki sa amin ng aming mga magulang. Lumaki kaming may takot sa Dios. Utang namin lahat ito sa kanila.

Maligayang anibersaryo Daddy at Mommy! Maraming maraming salamat sa lahat ng paghihirap na pinilit nyong pagtagumpayan para amin. Mahal na mahal namin kayo :)

Published May 18th, 2007 by tinga

Picture ng mga Tinga

Published May 16th, 2007 by tinga

Balik sa Pagkabata

Ewan ko ba kung bakit napasok sa usapan namin ang mga laro namin nung bata kami habang naglalakad kami papunta ng MRT ng aking mga kasamahan sa trabaho. Ang gulo namin sa MRT dahil palumaan kami ng mga alam namin na laro, merong naglaro ng piko, patintero, taguan, teks, goma, chinese garter, luksong-tinik, luksong-baka at kung ano ano pa. Alam nyo ba na yung ibang sikat na kanta ngayon ay halos sa mga laro ng bata nanggaling ang lyrics? Pamela one, Pamela mela one, Pamela two, Pamela mela two…

Bumalik tuloy sa alaala ko yung mga laro namin nung bata pa ako. Noong nasa Calumpit pa kami, ang mga naalala kong madalas na kalaro ay ang magkakapatid na sila Ate Leslie, Aleila, Adrian at ang pinsan nila na si Butsokoy. Sila ang pinakamalapit naming kapit-bahay. Naglalaro kami dati ng bahay-bahayan, may maliit na bahay kami na gawa sa adobe na pinagpatong-patong at ang bubong namin ay isang malaking takip ng tanke ng tubig (gumagamit din kami dati ng dahon ng buko, kaya lang ay nababasa kasi kami kapag umuulan). Kumpleto din kami sa gamit, naglulutu-lutuan pa kami gamit ang mga dahon-dahon at mga damong nasa paligid at minsan naman ay kumukuha kami ng bigas sa bahay para isaing.

Minsan naglalaro din kami ng taguan, lalo na kapag kabilugan ng buwan. Madalas hirap na hirap ang taya na hanapin kami, kasi sa loob ng bahay namin kami nagtatago, sa ilalim ng mesa, sa likod ng pinto at minsan ay sa loob pa ng aparador. May laro pa kami na tinatawag na Moro-moro, ito yung laro na may dalawang grupo tapos merong base. Kapag na-out nila yung nasa kabilang team ay hahawak ito sa base ng kalaban nila at hindi ulit makakatakbo o makaka-out hanggang di sila naaabot o nahahawakan ng kanilang mga kasama.   Ang objective ng bawat isa ay habulin ang nasa kabilang team hanggang ma-out nila ang lahat ng kalaban.

Kapag kaming mga lalaki naman ang naglalaro, madalas ay barilan ang laro namin o kaya ay tau-tauhan. Malaki ang laruan namin noon, madaming puno na pwede mong pagtaguan. Kapag barilan, talagang para kaming mga sundalo na naghuhukay pa para sa mga patibong at naglalagay ng mga tali sa puno na tinatakpan ng mga damo damo para hindi makita ng kalaban. Kahit mainit ang araw o umulan man, tuloy lang kami ng laro.

Ang saya talaga nung bata tayo no? Wala tayong ibang iniisip, laro at aral lang ang buhay natin. Ang sarap talagang maging bata :)

Published May 1st, 2007 by tinga

My VisualDNA

Read my VisualDNA Get your own VisualDNA™

Published April 13th, 2007 by tinga

Resulta ng Tsek-Up

Maaga kaming pumunta sa ospital noong nakaraang Lunes para sa aking CT-Scan. Alas-singko pa lamang ay gising na kami sapagkat kailangang nasa ospital kami bago mag-alas siete ng umaga. Medyo hindi ako nakatulog ng mabuti sapagkat kailangan kong gumising oras-oras para sa barium-sulfate na kailangang inumin para sa sa procedure na gagawin sa akin. Walang masyadong tao sa ospital nang kami ay makarating, marahil ay dahil sa holiday noong araw na yun.

Hindi din agad ako naisalang sa CT-Scan sapagkat hindi pa dumadating ang residenteng doktor na tutulong tumingin sa akin. Naghintay pa kami ng mga kalahating oras bago sya dumating. Medyo kinakabahan ako. Una ay dahil sa hindi ko alam kung ano ang magiging resulta at pangalawa ay tutusukan na naman ako ng karayom. Tinanong ko pa sa nurse kung kailangan pa ba talagang tusukan ako ng karayom na dadaanan din ng barium sulfate kung nakainom na naman ako bago pa man kami pumunta ng ospital. Umandar na naman ang trauma ko sa karayom.

Tumagal ang procedure ng mahigit sa isang oras. Hindi naman daw pala makukuha agad ang resulta nito pagkat kailangan daw hintayin pa ang residente na magbabasa nito. Mga alas-kuwatro pa daw namin pwedeng makuha ang resulta ng CT-Scan. Buti na lang ay may plano pa kaming gawin sa araw na iyon, ang maghanap ng blinds at aircon para sa aming munting bahay.

Nagpunta muna kami sa Home Depot sa Ortigas para tumingin ng blinds. Hindi kami nakakita ng gusto namin kaya napagpasiyahan na lang namin na umuwi sa Makati para manood ng TV, balak naming hintaying ipakita sa Eat Bulaga si Nay (ang biyenan ko). Noong araw din kasi na yun ay nagpunta siya kasama ang mga “SC” o “Senior Citizens” sa Broadway upang manood ng “Eat Bulaga” at sumayaw ng “Itaktak Mo”. Hindi naman masyado excited sila Nay pumunta doon, mga alas-singko lang naman ay gising na siya para maghanda sa pag-alis. Kailangan daw kasing nandun na sila sa harapan ng Broadway bago mag-alas nuebe. Ewan ko ba kung bakit ganung kaaga?  Mga alas-diyes  y’medya pa lang nung makarating kami sa bahay, hinintay namin ang mag-alas dose para panoorin si Nay. Laking gulat namin nang malaman namin na hindi pa pala agad Eat Bulaga ang palabas ng alas-dose kundi isang Korea Nobela. Naisip na lang namin na kumain na nang tanghalian kaysa hintayin na matapos ang palabas, naka-set naman ang kompyuter sa bahay na i-record ang palabas sa Channel 7 mula alas-dose hanggang alas-tres ng hapon para makita namin sa TV si Nay.

Pagkatapos kumain ay napagpasiyahan naman namin na pumunta sa Home Depot sa Global City para doon maghanap ng blinds. Nakakita kami ng gusto namin pero hindi pa din kami sigurado sapagkat di namin alam kung babagay ba ito sa ilalagay naming mga gamit sa bahay. Inabot din kami ng mga ilang oras sa paghahanap at paglilibot sa depot. Ang sarap maglibot sapagkat ang dami mong makikitang mga kung ano anong gamit sa bahay. Mga alas-tres na nang matapos kami. Nang tumawag kami sa ospital ay pwede na daw kunin ang resulta na aming hinihintay.

Pagbalik namin sa ospital ay madaming tao sa harap nito, madami ding malalaking camera mula sa ibat ibang network. Nung umaga ay nadinig ng aking asawa sa TV na isinugod sa ospital si Mike Arroyo sa Baguio dahil sa “gastritis”, naisip nya na malamang ay dinala na ito sa Maynila upang doon patingnan. Dumiretso na lang kami sa aming pakay, mas mahalagang malaman namin ang resulta ng CT-Scan ko kaysa mag-usyoso. Madaming doktor sa CT-Scan room, mukhang malubha ang kanilang pinag-uusapan, marahil ay sumailalim sa CT-Scan si Mike kaya madami sila doon. Nang iabot sa amin ang resulta ay agad naming binasa ito. Maganda ang resulta, mahigit sa kalahati ang iniliit ng bukol na nakita sa tyan ko!

Nakumpirma namin ang magandang resulta noong bumalik kami sa doktor noong Miyerkules. Malamang daw na hindi na ako sumailalim sa operasyon sapagkat malaki daw ang improvement na ginawa ng mga gamot sa karamdaman ko. Pinababalik na lang kaming muli ng doktor makalipas daw ang apat na buwan. Itutuloy ko lamang daw ang gamot na binigay sa akin.

Ipinapanalangin pa din namin na sana ay di na nga ako dumaan sa operasyon. Malaki ang tiwala ko sa Dios na ako’y patuloy Niyang pagagalingin. :)

Published April 7th, 2007 by tinga

Tsek-Up

Uuwi kami bukas ng Pilipinas upang magpatingin sa doktor.

Naospital ako noong nakaraang Enero, mahigit sa dalawang linggo na kasi akong nilalagnat. Nung unang punta namin sa ospital, binigyan ako ng antibiotics dahil mukhang meron daw akong impeksyon. Maliban sa lagnat, hindi na din ako makakain ng maayos at madalas ay sumasakit ang aking tyan kapag ako ay kumakain. Noong linggo na yun, naka-schedule ako para sa Executive Check-up sa parehong ospital. 

Sa araw ng check-up, sinabi ko sa doktor na titingin sa akin ang aking mga nararamdaman bago pa man nila ako suriin. Dahil sa mga idinadaing ko, nagdagdag ng iba pang mga test ang doktor maliban sa mga karaniwang test na ginagawa sa isang Executive Check-up. Namalagi kami ng dalawang araw sa ospital para sa mga test at nakuha namin ang resulta nito pagkatapos ng tatlong araw. Tuloy pa din ang lagnat ko noong mga panahon na yun, hindi man mataas, hindi ito nawawala. May apat na bagay silang pinaghihinalaan na sanhi ng aking karamdaman:

  • Na-operahan ako sa Singapore noong nakaraang-Oktubre. Kinailangan akong dumaan sa Sigmoidoscopy at Fistulectomy dahil sa isang impeksyon. Hinihinala nilang hindi pa din tuluyang naghihilom ang sugat na gawa ng operasyon.

  • Nakakita din sila ng maliliit na bato sa aking gall bladder. Maari daw ito ang nagdudulot ng sakit ko sa tyan.

  • Nakakita sila ng nodule sa aking prostate, Prostatitis. Pwedeng ito din daw ang nagdudulot ng aking lagnat.

  • Dahil sa napansin ng doktor ang mga rashes ko sa mukha at dahil na din sa tuloy tuloy kong lagnat. Naghinala sya na meron akong Lupus, ang mga test na kanyang idinagdag sa aking check-up ang magkukumpirma. Sa awa ng Dios, hindi ako positibo!

Pinauwi pa din ako ng doktor matapos ang pagsusuri, pinatuloy lamang ang aking antibiotics. Matapos ang ilang araw, tuloy pa din ang aking lagnat at sakit ng tyan. Napagpasiyahan na naming mag-asawa na bumalik sa ospital, malakas pa ang loob ko noon na sabihin sa asawa ko na, “Ipa-dextrose mo na ako!”. Sa totoo lang, nung bata ako, di ako takot sa karayom. Inoperahan ang isang patay kong kuko sa daliri nang gising ako, tinitignan ko pa ang ginagawa ng doktor. Noong tinanggal din ang aking appendix (appendectomy), hindi ako naiyak dahil sa sakit ng operasyon. Naiyak ako dahil ayaw akong bigyan ng tubig. Bawal daw kasing magkaroon ng laman ang tyan pagkatapos ng operasyon, kailangan daw munang mautot ako bago ako pa-inumin (hindi ako nagpapatawa, kailangan talagang mautot at hindi ko alam kung bakit :roll: )

Dahil meron naman nang findings sa aking unang check-up, diretso na akong pina-confine sa ospital. Dinala ako sa aking kwarto at excited na akong magpa-dextrose :lol: .  Dumating na ang dalawang nurse na lalaki, mukhang baguhan lang yung isa at yung isa naman ay mukhang batikan na. Ang sabi nung batikan na nurse sa kasama nya, “Sanay ka na bang mag-dextrose?”, pagpapraktisan pa yata ako nitong mga ‘to, ang sabi ko sa isip ko 8O .  Yung batikang nurse ang gumawa ng procedure sa akin. Mukhang di daw sya mahihirapan dahil malalaki ang aking mga ugat sa kamay (matutuwa ba ako sa sinasabi nya o maasar?) .  PALPAK! Pumutok ang ugat na kanyang tinusukan. Nakangiti pa sya habang humihingi ng pasensya. Sa ikalawang pagkakataon ay tama naman na ang pagtusok niya.

Kinabukasan, inumpisahan na akong gamutin sa Prostatitis. Hindi naman daw kailangang operahan ang aking kondisyon. Makukuha pa naman daw ito ng antibiotics. Yun nga lang, sa swero lang pwedeng padaanin ang gamot. Matapos ang apat na araw, na-iirita na ako sa dextrose ko. Ang hirap gumalaw, mahirap pala pag matagal ka nang naka-dextrose.

Pinauwi ako makalipas ang ika-pitong araw. Kailangan ko pa ding uminom ng mga gamot. Hindi na ako nilalagnat, pero medyo wala pa din akong ganang kumain, pinipilit ko lang kumain para lumakas. Ayon sa mga doktor, side-effect daw ito ng gamot ko.

Pagkaraan ng tatlong araw, inilalabas ko na ang lahat ng kinakain ko. Natatakot na ang asawa ko at ang mga biyenan ko. Naghinala na sila na baka daw “nabalis” ako. Nagtatanong siguro kayo kung ano ang nabalis? Sa kanila ko lang din nadinig ang salitang yun. Ang nabalis pala ay parang nabati o nakatuwaan ng isang nilalang na may kakaibang kapangyarihan.

Sa kanilang lugar sa San Pablo, may isang sikat na albularyo (albularya yata ang tawag dahil babae). Tuwing Biyernes lamang daw ito nanggagamot dahil sa araw na yun ay malakas ang kanyang kapangyarihan. Kahit daw hindi ka makita, basta ibigay mo lang ang pangalan ng may sakit, malalaman nya ang karamdaman at gamot dito. Matagal na nila akong pinipilit na magpatingin sa kanya, wala naman daw mawawala kung maniwala ako, pero talagang ayaw ko. Natatandaan ko nung bata pa ako at dinala ako sa isang albularyo, pinayuhan akong tapalan ng “kataka-taka” ang naipit sa pinto na daliri ko. Pagkatapos ng ilang araw ay na-impeksyon ito, yun ang dahilan kaya namatay at inoperahan ang kuko sa daliri ko.

Noong araw na ‘yun, pinipilit nila akong dalhin sa albularya. Dahil hindi nila ako mapilit, si Diko na lang ang nagpunta at nagbigay ng pangalan ko sa kanya. Makalipas ang kalahating oras, kumatok si Tay sa kwarto ko, may dala-dalang tasa na may laman na puting likido na pinapainom sa akin. Ang findings ng albularya, may karamdaman daw ako sa tyan. Kailangan ko daw uminom ng “am“  na gawa sa tatlong kutsarang kanin, ito daw ang magpapasuka sa akin para ako’y guminhawa. Iinom ako nito tuwing umaga sa loob ng pitong araw. Dahil sa tingin ko, wala namang masama dito, ininom ko ang “am“. Isa pang pang dahilan ay hindi naman talaga nagluluto si Tay, pero dahil sa sakit ko, nagluto sya ng “am”. Pagkatapos kong uminom ay nasuka nga ako dahil hindi ko nagustuhan ang lasa nito! Hindi ko maipaliwanag ang lasa.

Maliban sa sikat na albularya, meron pang isang nirerekomenda sa akin ang biyenan kong babae. Si Ninang Ate na kanyang nakakatandang kapatid. May lahi daw itong “tyanak“, dun ko lang napatunayan na may lahi pala talagang “tyanak” ang asawa ko :lol: ! Minsan daw kasi ay nakakatsamba itong magpagaling. Dahil  na rin sa pilit nila, at para sumaya na din sila, pinapunta namin si Ninang Ate sa bahay upang ako ay gamutin. Awang-awa sya sa nakita nyang itsura ko dahil ako’y lupaypay na lupaypay nang kanyang madatnan. Tinanong nya agad sa akin ang aking nararamdaman, sinabi kong ako’y laging nasusuka at sumasakit ang aking tyan. Ipinataas niya ang aking t-shirt, nilagyan nya ng laway nya ang kanyang mga daliri at ipinahid ng pa-krus sa aking tyan. YUCK! :lol: He he he. Naalala ko tuloy ang kwento ng asawa ko tungkol kay Lolee (na kanyang kapatid), mamatay na lang daw sya kaysa pahiran ng laway ang tyan nya! Pagkatapos noon, naramdaman daw ni Ninang Ate na nanlamig ang katawan nya. Madami daw akong lamig sa katawan, kailangan ko daw uminom ng pinakuluang dahon ng alagao at lagundi. Kailangan ko din daw itong ipampaligo. Uminom naman ako nito at naligo. Amoy pinaghahalohalong dahon ako paglabas ng banyo.

Hindi ko na talaga kaya ang sakit na nararamdaman ko at tsaka baka kung ano ano pa ang ipainom sa akin kaya nagpadala na uli ako sa ospital :lol: . Sabado noon kaya sa ER ako dinala. Ang asawa ko ang syang nakikipagusap sa doktor dahil nanghihina ako. Napagkamalan tuloy ng nurse na kukuha ng BP na sya ang pasyente dahil sya ang kausap ng doktor. Nagulat pa ito nung ayaw magpa-BP ng asawa ko :lol: . Dahil wala pang room ay sa ER muna ako pinahiga. Dumating ang isang nurse upang sabihin sa akin na lalagyan niya ako maya-maya ng dextrose. Bigla akong kinabahan, na-trauma na yata ako sa tusok ng suwero. Nang siya’y bumalik, may hawak syang isang mahabang karayom, ‘yun ang gagamitin sa suwero ko. Pagkakita nito, tinanong ko agad sa nurse kung pwedeng mas maliit na karayom ang kanyang gamitin, buti na lang at pumayag sya. Kahit maliit na ang karayom sa suwero na ilalagay nya, kinakabahan pa din ako. Lumalayo ang kamay ko kapag itinutusok na nya ang karayom. Natawa sya sa akin sabay tanong na, “Di ka pa ba sanay?”. Ikinuwento ko ang experience ko nung una akong na-ospital kung saan pumutok ang ugat ko habang tinutusukan ng karayom. Tinanong nya agad kung sa kwarto daw ba ako nilagyan ng suwero, sabi nya mas may karanasan daw silang mga nurse sa ER sa pagtusok ng karayom dahil araw-araw nilang ginagawa ito. Dahil sa kanyang kwento, nagtiwala na din ako, wala naman din akong magagawa, kailangan talagang lagyan ako ng suwero. Tumalikod na lang ako habang ginagawa nya ang pagtusok. Sumobra naman yata tiwala ko sa kanya, wala kasi akong naramdaman, sandali lang nya ginawa ang pagtusok at pagkatapos nun ay sinabi nya sakin na “Sir, humarap na po kayo. Tapos na po. Naramdaman nyo po ba?”. Ngumiti na lamang ako sa kanya :) .

Matapos ang ilang araw na pagsusuri ng mga doktor, wala pa din silang makitang sanhi ng karamdaman ko.  Hindi na nila pinaghihinalaan ang Prostatitis, sapagka’t nabigyan na ako ng mga gamot para dito. Para na din makasiguro, iminungkahi nilang tignan uli sa ultra-sound ang prostate at bladder ko. Kinailangan kong uminom ng madaming madaming tubig para sa test na ito, kailangan daw kasing makita nila ang bladder ko pag puno ng tubig at pag walang laman ito. Pagkatapos kong ilabas ang tubig na ininom ko para sa susunod na ultra-sound ay nakaramdam ako ng matinding sakit sa bandang ibaba ng aking tyan. Pagkatapos noon ay palagi ko na lang nararamdaman na ako’y naiihi tuwing 15 minuto. Nagtaka ang mga doktor at naghinala na may iba pa akong karamdaman na hindi pa nila nakikita. Iminungkahi na nila ang CT-Scan para sa pagtingin sa aking tyan.

Matapos ang CT-Scan, nakita na din nila sa wakas ang sanhi ng sakit na nararamdaman ko at pati na din ng aking madalas na pag-ihi. May malaking bukol pala sa aking tyan na nakapatong sa aking mga bituka at sa ibabaw ng aking bladder. Marahil ay nakatago daw ito dati at bigla na lang nagalaw noong ako ay uminom ng madaming tubig. Naging “blessing in disguise” pa pala ang mga pangyayari. Nakita sa biopsy na hindi naman cancerous ang bukol at mukhang kaya naman daw pagalingin ng gamot.

Sa pag-uwi namin, dadaan na naman ako sa isang pagsusuri. Matagal man ang gamutan ng aking karamdaman, malaki ang tiwala kong hindi Nya ako papabayaan!

Published April 1st, 2007 by tinga

Ika-9 na Anibersaryo

Unang araw ng Abril 1998, “April Fool’s Day”, ‘yan ang unang araw ko sa Globus.

Naalala ko pa, naligaw ako sa Ayala noong pagpunta ko sa opisina. Sa Maynila man ako nag-kolehiyo ay ilang lugar lamang ang aking alam puntahan. Pag-uwi sa bahay ng Auntie ko sa Remedios, pagpasok sa iskwelahan ko sa Intramuros at pag-lakwatsa sa Harrison Plaza. Lumagpas ang bus sa dapat kong babaan. Nung nakita ko ang istatwa ni Ninoy Aquino, sabi ko sa sarili ko ay nawala na ako. Bumaba na lang ako sa bus at naglakad. Sa kabutihang palad ay natagpuan ko naman ang opisina sa Herrera, yun nga lang tumatagaktak na ang pawis sa kili-kili ko, nakalong-sleeves at necktie pa naman ako!

Pagdating ko sa building, madaming naghihintay sa elevator. Kilala yata ang Herrera Towers sa pinakamabagal na elevator sa buong Makati na lalo pang nagpa-late sa akin sa pagpasok sa opisina.

Tatlo kaming bagong pasok sa kompanya noong araw na ‘yun. Si Ate Rona at Ate Helen pa ang dalawa. Ipinakilala kami sa mga taong nandun sa opisina at pagkatapos ay pinagbasa ng mga materyales ukol sa Globus.

Ngayon, tungkol sa Globus pa din ang trabaho ko, iba nga lang ang kompanya. Si Ate Rona ay nasa Temenos na at kaming dalawa naman ni Ate Helen ay nasa Sofgen. Bagamat magkaiba kami ng kompanya, kami ni Ate Rona ang magkasama sa proyekto dito sa bansa ng mga “Auntie” at mga “Uncle”, si Ate Helen naman ay nasa bansa ng pinaghalohalong Italyano, Frances at Aleman.

Masarap balikan ang nakaraan, lalo na kung ito ay puno ng kasiyahan. Sa pagtungtong ng aking ika-siyam na taon sa trabaho ko, masasabi kong masaya pa din ako sa ginagawa ko! :)

Published April 1st, 2007 by tinga

Pagsisimula…

Hindi pala madaling gumawa ng isang blog. Marami palang dapat isipin at gawin sa simula…

Iisipin mo muna kung ano ang magandang pamagat ng blog, pagkatapos ay ang pag-gawa ng disenyo ng website at ang pinakamahirap sa lahat ay ang pagsisimulang sumulat.

Sa tulong aking asawa naisip namin ang pamagat na “PiNoY enPSYCHoLoKoPeDia: Samu’t saring istorya mula sa buhay ng isang tinga…”. Malamang alam nyo na kung bakit “PSYCHO” at “LOKO“, pero itatanong nyo kung bakit “tinga” ? Kung ako tatanungin nyo, di ko rin alam. Basta yan ang tawag sakin ng aking asawa, itanong nyo na lang sa kanya.

Mabalik tayo sa ating usapan. Pagkatapos ng pamagat, ay dinisenyo ko naman ang website. Gusto kong makita ang pagka-Pinoy ko sa logo ng blog ko, kaya pinilit kong isiningit ang watawat ng Pilipinas sa mga letra ng “Pinoy“, ideya na naman ito ng aking asawa (sya na kaya pagawin at pasulatin ko sa blog na’ to?). Pagkatapos ng logo, naghanap naman ako ng temang makulay na babagay dito. Matapos ang ilang araw ay nakakita naman ako.   

Tapos na ako sa unang dalawang dapat na gawin. Nandito na ako ngayon sa pinakamahirap na parte, ang simula ng pagsusulat :)