Archive for May, 2007



Published May 19th, 2007 by tinga

Maligayang Anibersaryo Mami at Dadi!

Ngayong araw na ito ang ika-32 anibersaryo ng aking mga magulang. Ang bilis ng panahon, dati kapag dumadating ang araw na ito, nagluluto ang aking ina ng “Nilagang Pata” na paborito ng aking ama at yun ang aming pagsasaluhan sa hapunan. Ngayon ay halos limang taon na silang nasa Amerika.

Pastor ang aking ama at Diakonesa/Guro naman ang aking ina. Tatlo kaming magkakapatid. Ang bunso na si Bless ay nag-aaral sa Baguio ng Masteral sa Special Education (di pa daw kasi sya nagsawa sa mga kapatid nyang “Special Children”, namimiss nya siguro kami…he he he :) ), ang sumunod naman sa akin na si Dave ay sa Cabanatuan nagtatrabaho kasama ang kanyang asawa na si Arlene at nandito naman kami ng asawa kong si Sheila sa bansa ng mga Anti at mga Ankol.

Lolo Lucio, Mommy and DaddyIdolo ko ang aking mga magulang, lalo na sa pagpapalaki sa amin. Planado ang pagkakasunod-sunod naming magkakapatid, halos tig-aapat na taon ang pagitan ng bawat isa para hindi daw sila mahirapan lalo na pagtungtong namin sa Kolehiyo. Hindi naman kami ganoong kahirap, pero mahirap maging pamilya ng isang Pastor. Ganun pa man, masaya naman ang aming pamilya, di kami umabot sa panahon na wala na kaming kakainin sapagkat palaging may mga pagpapala na dumadating sa amin. Naalala ko tuloy noong nasungan kami ng bahay sa Calumpit, ang mga suot lamang namin na damit ang natira sa amin, pero noong araw din na ‘yon ay nagdatingan ang mga tulong galing sa mga miyembro ng simbahan, kapit-bahay at mga kaibigan.  Sa Muzon naman madalas ay may ulam kami na galing sa mga miyembro ng simbahan, ito yata ang lugar na halos araw araw ay may handaan. Sa Cabanatuan, hindi kami nawawalan ng bigas. Mauubusan siguro kami ng ulam pero hindi ng bigas. Lagi akong kinakantyawan dati ng aking mga kaibigan, bakit daw ang lakas kong kumain ng kanin at ang hina ko daw kumain ng ulam. Nakasanayan ko na kasi siguro, hindi naman sa kokonti ang aming ulam kundi napakadami palagi ng kanin sa bahay namin.

Siguro nagtataka kayo kasi ang dami ko nang nabanggit na lugar na aming pinanggalingan. Ganyan kasi ang buhay ng pamilya ng Pastor, palipat lipat ng destino. Tubong Nueva Ecija ang aking mga magulang, taga-Talabutab Norte ang ama ko at taga -Macatbong naman ang aking ina, pareho silang mga Ilokano. Ako naman ay ipanganak sa Guiguinto sa Bulacan, pagkatapos ng isang taon ay nalipat kami sa Malolos. Di ko na matandaan kung ilang taon kami doon pero pagkatapos sa Malolos ay napunta kami sa Calumpit. Sa Calumpit ako nag-aral ng Elementarya, dito din ipinanganak si Dave at si Bless. Noong aapak na ako sa ika-apat na baitang ay nalipat kami sa Muzon sa Malabon. Matapos ang limang taon ay nabalik kami muli sa Cabanatuan sa Nueva Ecija. Mahirap sa aming tatlong magkakapatid ang paglipat-lipat lalo na sa pag-aaral, pero masaya. Madami kaming naging mga kaibigan at nasanay kaming makisalamuha sa iba’t ibang uri ng tao. Malaking bagay ito sa aming paglaki (di nga pala kami lumaki, he he he :) ) pagtanda dahil nagagamit namin ito sa aming pag-aaral at sa pag-tatrabaho. 

Di man kami mayaman ay ipinaparanas lagi sa amin ng aming mga magulang ang magandang buhay. Kapag Pasko, di nalilimutan ng aming mga magulang na bilhan kami ng bagong damit. Tuwang tuwa kami kasi iyon ang panahon na kami ang pipili ng gusto naming damit. Naalala ko pa nung nasa ika-anim na baitang ako, ang tatak ng sapatos kong pamasko ay “U.S. Gear” (ito ang local version ng “L.A. Gear“), ang damit ko ay “Top 40″  at “Acid Wash”  ang pantalon ko! (Wow, japorms! he he he :) )  Katabi pa namin matulog kapag bisperas ng Pasko ang mga damit namin! 

Isa sa mga pinakahahangaan kong ugali ng aking mga magulang ay ang kanilang pagiging matulungin. Noong nasa Cabanatuan pa kami, halos araw-araw ay may mga taong pumupunta sa bahay upang humingi ng tulong. Hindi naman sila nabibigo, sapagkat handang tumulong lagi ang aking mga magulang kahit sa maliit na paraan. Hindi kami nawawalan ng ihahanda sa mga bisita, laging may nakahanda ang ina kong biskwit, kape at juice para sa mga dumadalaw. Kapag dumadating ang mga bisita sa panahon ng agahan, tanghalian o hapunan na wala kaming masyadong ulam, nagbubukas na lamang sila ng pandagdag na de-lata, sigurado naman na hindi mauubusan ng kanin para sa kanila. Naging Superintendente kasi ng Distrito ang aking ama sa probinsya ng Nueva Ecija, sya ang namamahala dati ng higit sa limampung simbahan ng Metodista sa kalahati ng probinsya. Akala yata ng iba ay mayaman na kami dahil sa puwestong iniatas sa aking ama, pero sa totoo lang, dito namin naranasan ang panahon na ilang buwan hindi sumasahod ang aking ama. Di nga namin alam na magkakapatid kung paano kami naipagtaguyod ng aming mga magulang noong mga panahon na iyon. Nasa Kolehiyo kasi ako at malapit na ding tumuntong ng Kolehiyo si Dave.  Gayun pa man, napagtagumpayan ng aming pamilya ang mga panahon na iyon, naniniwala akong ibinabalik lamang ng Dios sa aking mga magulang ang mga pagpapala dulot ng kanilang kabutihan. 

Ngayon, may kanya-kanya na kaming trabahong magkakapatid. Kung ano at nasaan man kami ngayon, ay dahil ito sa pagtataguyod at pagpapalaki sa amin ng aming mga magulang. Lumaki kaming may takot sa Dios. Utang namin lahat ito sa kanila.

Maligayang anibersaryo Daddy at Mommy! Maraming maraming salamat sa lahat ng paghihirap na pinilit nyong pagtagumpayan para amin. Mahal na mahal namin kayo :)

Published May 18th, 2007 by tinga

Picture ng mga Tinga

Published May 16th, 2007 by tinga

Balik sa Pagkabata

Ewan ko ba kung bakit napasok sa usapan namin ang mga laro namin nung bata kami habang naglalakad kami papunta ng MRT ng aking mga kasamahan sa trabaho. Ang gulo namin sa MRT dahil palumaan kami ng mga alam namin na laro, merong naglaro ng piko, patintero, taguan, teks, goma, chinese garter, luksong-tinik, luksong-baka at kung ano ano pa. Alam nyo ba na yung ibang sikat na kanta ngayon ay halos sa mga laro ng bata nanggaling ang lyrics? Pamela one, Pamela mela one, Pamela two, Pamela mela two…

Bumalik tuloy sa alaala ko yung mga laro namin nung bata pa ako. Noong nasa Calumpit pa kami, ang mga naalala kong madalas na kalaro ay ang magkakapatid na sila Ate Leslie, Aleila, Adrian at ang pinsan nila na si Butsokoy. Sila ang pinakamalapit naming kapit-bahay. Naglalaro kami dati ng bahay-bahayan, may maliit na bahay kami na gawa sa adobe na pinagpatong-patong at ang bubong namin ay isang malaking takip ng tanke ng tubig (gumagamit din kami dati ng dahon ng buko, kaya lang ay nababasa kasi kami kapag umuulan). Kumpleto din kami sa gamit, naglulutu-lutuan pa kami gamit ang mga dahon-dahon at mga damong nasa paligid at minsan naman ay kumukuha kami ng bigas sa bahay para isaing.

Minsan naglalaro din kami ng taguan, lalo na kapag kabilugan ng buwan. Madalas hirap na hirap ang taya na hanapin kami, kasi sa loob ng bahay namin kami nagtatago, sa ilalim ng mesa, sa likod ng pinto at minsan ay sa loob pa ng aparador. May laro pa kami na tinatawag na Moro-moro, ito yung laro na may dalawang grupo tapos merong base. Kapag na-out nila yung nasa kabilang team ay hahawak ito sa base ng kalaban nila at hindi ulit makakatakbo o makaka-out hanggang di sila naaabot o nahahawakan ng kanilang mga kasama.   Ang objective ng bawat isa ay habulin ang nasa kabilang team hanggang ma-out nila ang lahat ng kalaban.

Kapag kaming mga lalaki naman ang naglalaro, madalas ay barilan ang laro namin o kaya ay tau-tauhan. Malaki ang laruan namin noon, madaming puno na pwede mong pagtaguan. Kapag barilan, talagang para kaming mga sundalo na naghuhukay pa para sa mga patibong at naglalagay ng mga tali sa puno na tinatakpan ng mga damo damo para hindi makita ng kalaban. Kahit mainit ang araw o umulan man, tuloy lang kami ng laro.

Ang saya talaga nung bata tayo no? Wala tayong ibang iniisip, laro at aral lang ang buhay natin. Ang sarap talagang maging bata :)

Published May 1st, 2007 by tinga

My VisualDNA

Read my VisualDNA Get your own VisualDNA™