Published May 16th, 2007 by tinga
Balik sa Pagkabata
Ewan ko ba kung bakit napasok sa usapan namin ang mga laro namin nung bata kami habang naglalakad kami papunta ng MRT ng aking mga kasamahan sa trabaho. Ang gulo namin sa MRT dahil palumaan kami ng mga alam namin na laro, merong naglaro ng piko, patintero, taguan, teks, goma, chinese garter, luksong-tinik, luksong-baka at kung ano ano pa. Alam nyo ba na yung ibang sikat na kanta ngayon ay halos sa mga laro ng bata nanggaling ang lyrics? Pamela one, Pamela mela one, Pamela two, Pamela mela two…
Bumalik tuloy sa alaala ko yung mga laro namin nung bata pa ako. Noong nasa Calumpit pa kami, ang mga naalala kong madalas na kalaro ay ang magkakapatid na sila Ate Leslie, Aleila, Adrian at ang pinsan nila na si Butsokoy. Sila ang pinakamalapit naming kapit-bahay. Naglalaro kami dati ng bahay-bahayan, may maliit na bahay kami na gawa sa adobe na pinagpatong-patong at ang bubong namin ay isang malaking takip ng tanke ng tubig (gumagamit din kami dati ng dahon ng buko, kaya lang ay nababasa kasi kami kapag umuulan). Kumpleto din kami sa gamit, naglulutu-lutuan pa kami gamit ang mga dahon-dahon at mga damong nasa paligid at minsan naman ay kumukuha kami ng bigas sa bahay para isaing.
Minsan naglalaro din kami ng taguan, lalo na kapag kabilugan ng buwan. Madalas hirap na hirap ang taya na hanapin kami, kasi sa loob ng bahay namin kami nagtatago, sa ilalim ng mesa, sa likod ng pinto at minsan ay sa loob pa ng aparador. May laro pa kami na tinatawag na Moro-moro, ito yung laro na may dalawang grupo tapos merong base. Kapag na-out nila yung nasa kabilang team ay hahawak ito sa base ng kalaban nila at hindi ulit makakatakbo o makaka-out hanggang di sila naaabot o nahahawakan ng kanilang mga kasama. Ang objective ng bawat isa ay habulin ang nasa kabilang team hanggang ma-out nila ang lahat ng kalaban.
Kapag kaming mga lalaki naman ang naglalaro, madalas ay barilan ang laro namin o kaya ay tau-tauhan. Malaki ang laruan namin noon, madaming puno na pwede mong pagtaguan. Kapag barilan, talagang para kaming mga sundalo na naghuhukay pa para sa mga patibong at naglalagay ng mga tali sa puno na tinatakpan ng mga damo damo para hindi makita ng kalaban. Kahit mainit ang araw o umulan man, tuloy lang kami ng laro.
Ang saya talaga nung bata tayo no? Wala tayong ibang iniisip, laro at aral lang ang buhay natin. Ang sarap talagang maging bata