Published May 19th, 2007 by tinga

Maligayang Anibersaryo Mami at Dadi!

Ngayong araw na ito ang ika-32 anibersaryo ng aking mga magulang. Ang bilis ng panahon, dati kapag dumadating ang araw na ito, nagluluto ang aking ina ng “Nilagang Pata” na paborito ng aking ama at yun ang aming pagsasaluhan sa hapunan. Ngayon ay halos limang taon na silang nasa Amerika.

Pastor ang aking ama at Diakonesa/Guro naman ang aking ina. Tatlo kaming magkakapatid. Ang bunso na si Bless ay nag-aaral sa Baguio ng Masteral sa Special Education (di pa daw kasi sya nagsawa sa mga kapatid nyang “Special Children”, namimiss nya siguro kami…he he he :) ), ang sumunod naman sa akin na si Dave ay sa Cabanatuan nagtatrabaho kasama ang kanyang asawa na si Arlene at nandito naman kami ng asawa kong si Sheila sa bansa ng mga Anti at mga Ankol.

Lolo Lucio, Mommy and DaddyIdolo ko ang aking mga magulang, lalo na sa pagpapalaki sa amin. Planado ang pagkakasunod-sunod naming magkakapatid, halos tig-aapat na taon ang pagitan ng bawat isa para hindi daw sila mahirapan lalo na pagtungtong namin sa Kolehiyo. Hindi naman kami ganoong kahirap, pero mahirap maging pamilya ng isang Pastor. Ganun pa man, masaya naman ang aming pamilya, di kami umabot sa panahon na wala na kaming kakainin sapagkat palaging may mga pagpapala na dumadating sa amin. Naalala ko tuloy noong nasungan kami ng bahay sa Calumpit, ang mga suot lamang namin na damit ang natira sa amin, pero noong araw din na ‘yon ay nagdatingan ang mga tulong galing sa mga miyembro ng simbahan, kapit-bahay at mga kaibigan.  Sa Muzon naman madalas ay may ulam kami na galing sa mga miyembro ng simbahan, ito yata ang lugar na halos araw araw ay may handaan. Sa Cabanatuan, hindi kami nawawalan ng bigas. Mauubusan siguro kami ng ulam pero hindi ng bigas. Lagi akong kinakantyawan dati ng aking mga kaibigan, bakit daw ang lakas kong kumain ng kanin at ang hina ko daw kumain ng ulam. Nakasanayan ko na kasi siguro, hindi naman sa kokonti ang aming ulam kundi napakadami palagi ng kanin sa bahay namin.

Siguro nagtataka kayo kasi ang dami ko nang nabanggit na lugar na aming pinanggalingan. Ganyan kasi ang buhay ng pamilya ng Pastor, palipat lipat ng destino. Tubong Nueva Ecija ang aking mga magulang, taga-Talabutab Norte ang ama ko at taga -Macatbong naman ang aking ina, pareho silang mga Ilokano. Ako naman ay ipanganak sa Guiguinto sa Bulacan, pagkatapos ng isang taon ay nalipat kami sa Malolos. Di ko na matandaan kung ilang taon kami doon pero pagkatapos sa Malolos ay napunta kami sa Calumpit. Sa Calumpit ako nag-aral ng Elementarya, dito din ipinanganak si Dave at si Bless. Noong aapak na ako sa ika-apat na baitang ay nalipat kami sa Muzon sa Malabon. Matapos ang limang taon ay nabalik kami muli sa Cabanatuan sa Nueva Ecija. Mahirap sa aming tatlong magkakapatid ang paglipat-lipat lalo na sa pag-aaral, pero masaya. Madami kaming naging mga kaibigan at nasanay kaming makisalamuha sa iba’t ibang uri ng tao. Malaking bagay ito sa aming paglaki (di nga pala kami lumaki, he he he :) ) pagtanda dahil nagagamit namin ito sa aming pag-aaral at sa pag-tatrabaho. 

Di man kami mayaman ay ipinaparanas lagi sa amin ng aming mga magulang ang magandang buhay. Kapag Pasko, di nalilimutan ng aming mga magulang na bilhan kami ng bagong damit. Tuwang tuwa kami kasi iyon ang panahon na kami ang pipili ng gusto naming damit. Naalala ko pa nung nasa ika-anim na baitang ako, ang tatak ng sapatos kong pamasko ay “U.S. Gear” (ito ang local version ng “L.A. Gear“), ang damit ko ay “Top 40″  at “Acid Wash”  ang pantalon ko! (Wow, japorms! he he he :) )  Katabi pa namin matulog kapag bisperas ng Pasko ang mga damit namin! 

Isa sa mga pinakahahangaan kong ugali ng aking mga magulang ay ang kanilang pagiging matulungin. Noong nasa Cabanatuan pa kami, halos araw-araw ay may mga taong pumupunta sa bahay upang humingi ng tulong. Hindi naman sila nabibigo, sapagkat handang tumulong lagi ang aking mga magulang kahit sa maliit na paraan. Hindi kami nawawalan ng ihahanda sa mga bisita, laging may nakahanda ang ina kong biskwit, kape at juice para sa mga dumadalaw. Kapag dumadating ang mga bisita sa panahon ng agahan, tanghalian o hapunan na wala kaming masyadong ulam, nagbubukas na lamang sila ng pandagdag na de-lata, sigurado naman na hindi mauubusan ng kanin para sa kanila. Naging Superintendente kasi ng Distrito ang aking ama sa probinsya ng Nueva Ecija, sya ang namamahala dati ng higit sa limampung simbahan ng Metodista sa kalahati ng probinsya. Akala yata ng iba ay mayaman na kami dahil sa puwestong iniatas sa aking ama, pero sa totoo lang, dito namin naranasan ang panahon na ilang buwan hindi sumasahod ang aking ama. Di nga namin alam na magkakapatid kung paano kami naipagtaguyod ng aming mga magulang noong mga panahon na iyon. Nasa Kolehiyo kasi ako at malapit na ding tumuntong ng Kolehiyo si Dave.  Gayun pa man, napagtagumpayan ng aming pamilya ang mga panahon na iyon, naniniwala akong ibinabalik lamang ng Dios sa aking mga magulang ang mga pagpapala dulot ng kanilang kabutihan. 

Ngayon, may kanya-kanya na kaming trabahong magkakapatid. Kung ano at nasaan man kami ngayon, ay dahil ito sa pagtataguyod at pagpapalaki sa amin ng aming mga magulang. Lumaki kaming may takot sa Dios. Utang namin lahat ito sa kanila.

Maligayang anibersaryo Daddy at Mommy! Maraming maraming salamat sa lahat ng paghihirap na pinilit nyong pagtagumpayan para amin. Mahal na mahal namin kayo :)


4 Responses to “Maligayang Anibersaryo Mami at Dadi!”

Feed for this Entry Trackback Address
  1. 1

    Mommy & Daddy Says

    Ibinabalik namin sa Panginoon ang lahat ng kapurihan sa ating Panginoon! Aba ang galing mo ng managalog anak, sabagay si Sheila naman kasi ay purong Bulakena..siyempre sya ang editor mo..Umiiyak kami habang binabasa ang inyong pagbati…lalo na sa paglingon mo sa nakaraan ng ating buhay..Tunay na napakadakila ng ating Dios, kanyang ipinagkakaloob ang lahat nating pangangailangan!
    Wla kaming maipapamana sa inyo liban sa inyong pananampalataya na sya ninyong kinamulatan at ang inyong pag-aaral na syang nagdala sa inyong mga kinaroroonan ngayon! Purihin ang Panginoon.Patuloy nawa kayong maging pagpala sa iba..Miss namin kayo…Ingat kayo lagi…Mahal namin kayo.. God bless!.Mommy at daddy..

  2. 2

    ate erlyn Says

    very well said! great job!
    a happy aniversary to ninong and ninang…..

    love you all!

    ate erlyn

  3. 3

    nanay Says

    Alvin SALUDO AKO SA

    pagmamahal
    at

    paghanga
    mo

    SA MOMMY AT DADDY MO

  4. 4

    rachel Says

    vin,

    san ka na? paramdam ka naman dyen. =)

    chel