Published August 2nd, 2008 by tinga
Tsakit Ko (Unang Yugto)
Nagumpisa na namang sumakit noong Mayo ang aking tiyan. Akala namin ng asawa ko okay na ako matapos ang aking huling operasyon. Gumawa ng biopsy sa bitukang pinutol sa akin para malaman kung ano ang sakit ko. Nagulat ka? Oo, pinutol ang bituka ko (ginawang isaw
) dumikit kasi ito sa aking pantog . Naranasan ko na yung kinakatakutan ko at palagay ko maging kayo nung bata pa tayo, lagi kasing sinasabi satin ng matatanda na pag nadadapa, nasasaktan at umiiyak tayo na, “Huwag kang umiyak, malayo sa bituka yan!”
Crohn’s disease ang lumitaw na sakit ko sa resulta ng biopsy. Hindi kilala sa atin sa Asya ang sakit na Crohn’s, sa Isteyts at sa Europa madaming may sakit na ganito. May pagkakahawig ang sakit na ito sa Tuberkolosis ng bituka at medyo mahirap daw ipagkaiba ayon sa aking mga doktor. Nung na-ospital ako, Tuberkolosis sa bituka ang ginamot sa akin at pinainom ako ng gamot sa TB sa loob ng isang taon maliban pa sa mga antibiotics na iniinom at isinasaksak sa akin noong naospital ako
Bago ang sakit ng tyan, nag-chills ako ng ilang araw, pero hindi namin alam kung konektado ito. Nagpunta kami sa isang ospital dito sa Singapore para magpatingin sa isang GP, Gastro-Enteritis daw sabi ng doktor. Binigyan na naman ako ng antibiotics para gamutin ito. Nung nasa ospital, naisipan ni Sheila na ituloy na namin patignan sa isang Espesyalista sa Tyan ang resulta ng biopsy ko sa Crohn’s para makasigurado. Noong araw din na yun, binigyan agad ako ng gamot ng doktor na makakatulong sa sakit ko, anim na tableta ng Pentasa sa isang araw.
Natatakot din ako magpatingin nung una dahil nung nagbasa ako ng mga artikulo ukol sa sakit na ito sa internet, ang madalas na ginagamit na gamot ay steroids. Natatakot lang ako sa mga masamang epekto na maidudulot nito kapag inumpisahan agad ako gamutin. Ang problema pa dito eh pag nagka-TB o may TB ang uminom nito ay lalong lalala ito dahil ang steroids ay isang immuno-suppressant na gamot (pinipigilan nya ang iyong katawan na lumaban sa mga sakit).
Noong mga unang linggo ng gamutan, maganda ang responde ng aking katawan sa gamot. Lumakas ang gana kong kumain at naramdaman kong lumalakas ako! Ngunit noong ikalawang linggo na ng gamutan, sumakit na naman ang aking tyan. Bumalik agad kami sa doktor nung hindi nawawala ang sakit na nararamdaman ko. Sinabi agad sa akin ng doktor na kailangan nyang silipin ang aking tyan, pinamili nya ako sa dalawang klaseng paraan, ang “Nasal Scope” at “Endoscopy”. Kapag “Nasal Scope” daw ang pinili ko, di ako kailangan patulugin, at noong araw din daw na yun eh pwede nya agad itong gawin. Kapag naman “Endoscopy”, papatulugin ako, pero sa kinabukasan ng umaga pa nya pwedeng gawin ang procedure na ito. Ang suhestyon ng doktor, “Nasal Scope”, mas mura kasi ito (SGD 450.00. Mura?
) at agad nya itong magagawa. Ipinakita pa nga ng doctor sa akin ang litrato ng isang babae na ginagamitan ng “Nasal Scope”, may nakapasok na tubo sa ilong nito at parang komportableng komportable sya habang dumadaan sa procedure. Ang “Endoscopy”, mas mahal sya (SGD 650) dahil gagawin ang procedure sa kwarto ng Day-Surgery. Hmmmmm, ano sa tingin nyo pinili ko
Nung nakita ko na sa ilong pinapasok ang tubo at gising ako, sabi ko kay Sheila, “Hon-hon, sa Endoscopy na lang tayo.”
Sa totoo lang, di ako takot sa kahit anong procedure na ginagawa sa akin. Katunayan:
- Noong naoperahan ako sa naipit kong daliri na pinalagyan ng dahon ng “Katakataka”
ni Aling Becky kaya nabulok eh gising ako. - Noong tinanggal ang aking appendix. Hindi ako naiyak dahil sa sakit, naiyak ako dahil ayaw ako bigyan ng tubig ng mga nurse
Kailangan ko daw kasi mautot pagkatapos ng operasyon bago uminom ng liquid
- Madaming endoscopy na akong nadaanan, mga pito at mga dalawa dun eh gising ako.
- Noong kinuhanan ako ng biopsy sa tyan sa pamamagitan ng isang mahaba at malaking karayom eh gising ako.
Parang di kasi ako mapalagay na may ipapasok sa ilong ko na gising ako kahit na nga ba malaki butas ng ilong ko
Nakita yata ng doktor na nagdadalawang isip ako, sabi nya sa akin, magisip daw muna kami at sabihin na lang namin sa nars nya kung ano gusto namin. Nung nasa labas na kami ng klinika, malamang na sa loob ko na “Endoscopy” ang gusto ko, nalalakihan lang ako sa pagkakaiba ng presyo (SGD 200), malaki yan!
Lumapit sa amin ang nars, buti na lang Filipina. Nagtanong ako sa kanya, “Francisca, di ba pwede sa bibig ko na lang ipasok ang tubo pag Nasal Scope?”, sabi nya, “Pwede Sir, yung kaninang umaga po sa bibig pinasok.”. Hindi ko maipaliwanag ang luwag ng pakiramdam ko nung nalaman ko na pwede naman pala sa bibig.
Sabi ko agad sa kanya, “Sige, Nasal Scope na kami ngayon!”.
Mga ala-una nang inumpisahan gawin sa akin ang procedure. Gising ako, habang ipinapasok ang tubo sa aking tyan, nasa loob din si Sheila ng kwarto. Ipinapakita sa amin ng doktor sa isang TV screen ang loob ng aking ngala-ngala, tyan at maliit na bituka ko. Wala akong problema sa ngala-ngala at sa maliit na bituka ayon sa nakita nya, pero pulang pula ang loob ng aking tyan. Kailangan daw ako bigyan ulit ng gamot para dito.
…