Published April 13th, 2007 by tinga

Resulta ng Tsek-Up

Maaga kaming pumunta sa ospital noong nakaraang Lunes para sa aking CT-Scan. Alas-singko pa lamang ay gising na kami sapagkat kailangang nasa ospital kami bago mag-alas siete ng umaga. Medyo hindi ako nakatulog ng mabuti sapagkat kailangan kong gumising oras-oras para sa barium-sulfate na kailangang inumin para sa sa procedure na gagawin sa akin. Walang masyadong tao sa ospital nang kami ay makarating, marahil ay dahil sa holiday noong araw na yun.

Hindi din agad ako naisalang sa CT-Scan sapagkat hindi pa dumadating ang residenteng doktor na tutulong tumingin sa akin. Naghintay pa kami ng mga kalahating oras bago sya dumating. Medyo kinakabahan ako. Una ay dahil sa hindi ko alam kung ano ang magiging resulta at pangalawa ay tutusukan na naman ako ng karayom. Tinanong ko pa sa nurse kung kailangan pa ba talagang tusukan ako ng karayom na dadaanan din ng barium sulfate kung nakainom na naman ako bago pa man kami pumunta ng ospital. Umandar na naman ang trauma ko sa karayom.

Tumagal ang procedure ng mahigit sa isang oras. Hindi naman daw pala makukuha agad ang resulta nito pagkat kailangan daw hintayin pa ang residente na magbabasa nito. Mga alas-kuwatro pa daw namin pwedeng makuha ang resulta ng CT-Scan. Buti na lang ay may plano pa kaming gawin sa araw na iyon, ang maghanap ng blinds at aircon para sa aming munting bahay.

Nagpunta muna kami sa Home Depot sa Ortigas para tumingin ng blinds. Hindi kami nakakita ng gusto namin kaya napagpasiyahan na lang namin na umuwi sa Makati para manood ng TV, balak naming hintaying ipakita sa Eat Bulaga si Nay (ang biyenan ko). Noong araw din kasi na yun ay nagpunta siya kasama ang mga “SC” o “Senior Citizens” sa Broadway upang manood ng “Eat Bulaga” at sumayaw ng “Itaktak Mo”. Hindi naman masyado excited sila Nay pumunta doon, mga alas-singko lang naman ay gising na siya para maghanda sa pag-alis. Kailangan daw kasing nandun na sila sa harapan ng Broadway bago mag-alas nuebe. Ewan ko ba kung bakit ganung kaaga?  Mga alas-diyes  y’medya pa lang nung makarating kami sa bahay, hinintay namin ang mag-alas dose para panoorin si Nay. Laking gulat namin nang malaman namin na hindi pa pala agad Eat Bulaga ang palabas ng alas-dose kundi isang Korea Nobela. Naisip na lang namin na kumain na nang tanghalian kaysa hintayin na matapos ang palabas, naka-set naman ang kompyuter sa bahay na i-record ang palabas sa Channel 7 mula alas-dose hanggang alas-tres ng hapon para makita namin sa TV si Nay.

Pagkatapos kumain ay napagpasiyahan naman namin na pumunta sa Home Depot sa Global City para doon maghanap ng blinds. Nakakita kami ng gusto namin pero hindi pa din kami sigurado sapagkat di namin alam kung babagay ba ito sa ilalagay naming mga gamit sa bahay. Inabot din kami ng mga ilang oras sa paghahanap at paglilibot sa depot. Ang sarap maglibot sapagkat ang dami mong makikitang mga kung ano anong gamit sa bahay. Mga alas-tres na nang matapos kami. Nang tumawag kami sa ospital ay pwede na daw kunin ang resulta na aming hinihintay.

Pagbalik namin sa ospital ay madaming tao sa harap nito, madami ding malalaking camera mula sa ibat ibang network. Nung umaga ay nadinig ng aking asawa sa TV na isinugod sa ospital si Mike Arroyo sa Baguio dahil sa “gastritis”, naisip nya na malamang ay dinala na ito sa Maynila upang doon patingnan. Dumiretso na lang kami sa aming pakay, mas mahalagang malaman namin ang resulta ng CT-Scan ko kaysa mag-usyoso. Madaming doktor sa CT-Scan room, mukhang malubha ang kanilang pinag-uusapan, marahil ay sumailalim sa CT-Scan si Mike kaya madami sila doon. Nang iabot sa amin ang resulta ay agad naming binasa ito. Maganda ang resulta, mahigit sa kalahati ang iniliit ng bukol na nakita sa tyan ko!

Nakumpirma namin ang magandang resulta noong bumalik kami sa doktor noong Miyerkules. Malamang daw na hindi na ako sumailalim sa operasyon sapagkat malaki daw ang improvement na ginawa ng mga gamot sa karamdaman ko. Pinababalik na lang kaming muli ng doktor makalipas daw ang apat na buwan. Itutuloy ko lamang daw ang gamot na binigay sa akin.

Ipinapanalangin pa din namin na sana ay di na nga ako dumaan sa operasyon. Malaki ang tiwala ko sa Dios na ako’y patuloy Niyang pagagalingin. :)


1 Response to “Resulta ng Tsek-Up”

Feed for this Entry Trackback Address
  1. 1

    chel Says

    vin,

    pagaling ka ha. you are always in my prayers. lam ko naman, andyan lagi si sheila, so im sure, you’re in good hands.

    miss ka na namin. balitaan mo ko pag babalik ka na sa SG ha.

    rachel