Published April 7th, 2007 by tinga

Tsek-Up

Uuwi kami bukas ng Pilipinas upang magpatingin sa doktor.

Naospital ako noong nakaraang Enero, mahigit sa dalawang linggo na kasi akong nilalagnat. Nung unang punta namin sa ospital, binigyan ako ng antibiotics dahil mukhang meron daw akong impeksyon. Maliban sa lagnat, hindi na din ako makakain ng maayos at madalas ay sumasakit ang aking tyan kapag ako ay kumakain. Noong linggo na yun, naka-schedule ako para sa Executive Check-up sa parehong ospital. 

Sa araw ng check-up, sinabi ko sa doktor na titingin sa akin ang aking mga nararamdaman bago pa man nila ako suriin. Dahil sa mga idinadaing ko, nagdagdag ng iba pang mga test ang doktor maliban sa mga karaniwang test na ginagawa sa isang Executive Check-up. Namalagi kami ng dalawang araw sa ospital para sa mga test at nakuha namin ang resulta nito pagkatapos ng tatlong araw. Tuloy pa din ang lagnat ko noong mga panahon na yun, hindi man mataas, hindi ito nawawala. May apat na bagay silang pinaghihinalaan na sanhi ng aking karamdaman:

  • Na-operahan ako sa Singapore noong nakaraang-Oktubre. Kinailangan akong dumaan sa Sigmoidoscopy at Fistulectomy dahil sa isang impeksyon. Hinihinala nilang hindi pa din tuluyang naghihilom ang sugat na gawa ng operasyon.

  • Nakakita din sila ng maliliit na bato sa aking gall bladder. Maari daw ito ang nagdudulot ng sakit ko sa tyan.

  • Nakakita sila ng nodule sa aking prostate, Prostatitis. Pwedeng ito din daw ang nagdudulot ng aking lagnat.

  • Dahil sa napansin ng doktor ang mga rashes ko sa mukha at dahil na din sa tuloy tuloy kong lagnat. Naghinala sya na meron akong Lupus, ang mga test na kanyang idinagdag sa aking check-up ang magkukumpirma. Sa awa ng Dios, hindi ako positibo!

Pinauwi pa din ako ng doktor matapos ang pagsusuri, pinatuloy lamang ang aking antibiotics. Matapos ang ilang araw, tuloy pa din ang aking lagnat at sakit ng tyan. Napagpasiyahan na naming mag-asawa na bumalik sa ospital, malakas pa ang loob ko noon na sabihin sa asawa ko na, “Ipa-dextrose mo na ako!”. Sa totoo lang, nung bata ako, di ako takot sa karayom. Inoperahan ang isang patay kong kuko sa daliri nang gising ako, tinitignan ko pa ang ginagawa ng doktor. Noong tinanggal din ang aking appendix (appendectomy), hindi ako naiyak dahil sa sakit ng operasyon. Naiyak ako dahil ayaw akong bigyan ng tubig. Bawal daw kasing magkaroon ng laman ang tyan pagkatapos ng operasyon, kailangan daw munang mautot ako bago ako pa-inumin (hindi ako nagpapatawa, kailangan talagang mautot at hindi ko alam kung bakit :roll: )

Dahil meron naman nang findings sa aking unang check-up, diretso na akong pina-confine sa ospital. Dinala ako sa aking kwarto at excited na akong magpa-dextrose :lol: .  Dumating na ang dalawang nurse na lalaki, mukhang baguhan lang yung isa at yung isa naman ay mukhang batikan na. Ang sabi nung batikan na nurse sa kasama nya, “Sanay ka na bang mag-dextrose?”, pagpapraktisan pa yata ako nitong mga ‘to, ang sabi ko sa isip ko 8O .  Yung batikang nurse ang gumawa ng procedure sa akin. Mukhang di daw sya mahihirapan dahil malalaki ang aking mga ugat sa kamay (matutuwa ba ako sa sinasabi nya o maasar?) .  PALPAK! Pumutok ang ugat na kanyang tinusukan. Nakangiti pa sya habang humihingi ng pasensya. Sa ikalawang pagkakataon ay tama naman na ang pagtusok niya.

Kinabukasan, inumpisahan na akong gamutin sa Prostatitis. Hindi naman daw kailangang operahan ang aking kondisyon. Makukuha pa naman daw ito ng antibiotics. Yun nga lang, sa swero lang pwedeng padaanin ang gamot. Matapos ang apat na araw, na-iirita na ako sa dextrose ko. Ang hirap gumalaw, mahirap pala pag matagal ka nang naka-dextrose.

Pinauwi ako makalipas ang ika-pitong araw. Kailangan ko pa ding uminom ng mga gamot. Hindi na ako nilalagnat, pero medyo wala pa din akong ganang kumain, pinipilit ko lang kumain para lumakas. Ayon sa mga doktor, side-effect daw ito ng gamot ko.

Pagkaraan ng tatlong araw, inilalabas ko na ang lahat ng kinakain ko. Natatakot na ang asawa ko at ang mga biyenan ko. Naghinala na sila na baka daw “nabalis” ako. Nagtatanong siguro kayo kung ano ang nabalis? Sa kanila ko lang din nadinig ang salitang yun. Ang nabalis pala ay parang nabati o nakatuwaan ng isang nilalang na may kakaibang kapangyarihan.

Sa kanilang lugar sa San Pablo, may isang sikat na albularyo (albularya yata ang tawag dahil babae). Tuwing Biyernes lamang daw ito nanggagamot dahil sa araw na yun ay malakas ang kanyang kapangyarihan. Kahit daw hindi ka makita, basta ibigay mo lang ang pangalan ng may sakit, malalaman nya ang karamdaman at gamot dito. Matagal na nila akong pinipilit na magpatingin sa kanya, wala naman daw mawawala kung maniwala ako, pero talagang ayaw ko. Natatandaan ko nung bata pa ako at dinala ako sa isang albularyo, pinayuhan akong tapalan ng “kataka-taka” ang naipit sa pinto na daliri ko. Pagkatapos ng ilang araw ay na-impeksyon ito, yun ang dahilan kaya namatay at inoperahan ang kuko sa daliri ko.

Noong araw na ‘yun, pinipilit nila akong dalhin sa albularya. Dahil hindi nila ako mapilit, si Diko na lang ang nagpunta at nagbigay ng pangalan ko sa kanya. Makalipas ang kalahating oras, kumatok si Tay sa kwarto ko, may dala-dalang tasa na may laman na puting likido na pinapainom sa akin. Ang findings ng albularya, may karamdaman daw ako sa tyan. Kailangan ko daw uminom ng “am”  na gawa sa tatlong kutsarang kanin, ito daw ang magpapasuka sa akin para ako’y guminhawa. Iinom ako nito tuwing umaga sa loob ng pitong araw. Dahil sa tingin ko, wala namang masama dito, ininom ko ang “am“. Isa pang pang dahilan ay hindi naman talaga nagluluto si Tay, pero dahil sa sakit ko, nagluto sya ng “am”. Pagkatapos kong uminom ay nasuka nga ako dahil hindi ko nagustuhan ang lasa nito! Hindi ko maipaliwanag ang lasa.

Maliban sa sikat na albularya, meron pang isang nirerekomenda sa akin ang biyenan kong babae. Si Ninang Ate na kanyang nakakatandang kapatid. May lahi daw itong “tyanak“, dun ko lang napatunayan na may lahi pala talagang “tyanak” ang asawa ko :lol: ! Minsan daw kasi ay nakakatsamba itong magpagaling. Dahil  na rin sa pilit nila, at para sumaya na din sila, pinapunta namin si Ninang Ate sa bahay upang ako ay gamutin. Awang-awa sya sa nakita nyang itsura ko dahil ako’y lupaypay na lupaypay nang kanyang madatnan. Tinanong nya agad sa akin ang aking nararamdaman, sinabi kong ako’y laging nasusuka at sumasakit ang aking tyan. Ipinataas niya ang aking t-shirt, nilagyan nya ng laway nya ang kanyang mga daliri at ipinahid ng pa-krus sa aking tyan. YUCK! :lol: He he he. Naalala ko tuloy ang kwento ng asawa ko tungkol kay Lolee (na kanyang kapatid), mamatay na lang daw sya kaysa pahiran ng laway ang tyan nya! Pagkatapos noon, naramdaman daw ni Ninang Ate na nanlamig ang katawan nya. Madami daw akong lamig sa katawan, kailangan ko daw uminom ng pinakuluang dahon ng alagao at lagundi. Kailangan ko din daw itong ipampaligo. Uminom naman ako nito at naligo. Amoy pinaghahalohalong dahon ako paglabas ng banyo.

Hindi ko na talaga kaya ang sakit na nararamdaman ko at tsaka baka kung ano ano pa ang ipainom sa akin kaya nagpadala na uli ako sa ospital :lol: . Sabado noon kaya sa ER ako dinala. Ang asawa ko ang syang nakikipagusap sa doktor dahil nanghihina ako. Napagkamalan tuloy ng nurse na kukuha ng BP na sya ang pasyente dahil sya ang kausap ng doktor. Nagulat pa ito nung ayaw magpa-BP ng asawa ko :lol: . Dahil wala pang room ay sa ER muna ako pinahiga. Dumating ang isang nurse upang sabihin sa akin na lalagyan niya ako maya-maya ng dextrose. Bigla akong kinabahan, na-trauma na yata ako sa tusok ng suwero. Nang siya’y bumalik, may hawak syang isang mahabang karayom, ‘yun ang gagamitin sa suwero ko. Pagkakita nito, tinanong ko agad sa nurse kung pwedeng mas maliit na karayom ang kanyang gamitin, buti na lang at pumayag sya. Kahit maliit na ang karayom sa suwero na ilalagay nya, kinakabahan pa din ako. Lumalayo ang kamay ko kapag itinutusok na nya ang karayom. Natawa sya sa akin sabay tanong na, “Di ka pa ba sanay?”. Ikinuwento ko ang experience ko nung una akong na-ospital kung saan pumutok ang ugat ko habang tinutusukan ng karayom. Tinanong nya agad kung sa kwarto daw ba ako nilagyan ng suwero, sabi nya mas may karanasan daw silang mga nurse sa ER sa pagtusok ng karayom dahil araw-araw nilang ginagawa ito. Dahil sa kanyang kwento, nagtiwala na din ako, wala naman din akong magagawa, kailangan talagang lagyan ako ng suwero. Tumalikod na lang ako habang ginagawa nya ang pagtusok. Sumobra naman yata tiwala ko sa kanya, wala kasi akong naramdaman, sandali lang nya ginawa ang pagtusok at pagkatapos nun ay sinabi nya sakin na “Sir, humarap na po kayo. Tapos na po. Naramdaman nyo po ba?”. Ngumiti na lamang ako sa kanya :) .

Matapos ang ilang araw na pagsusuri ng mga doktor, wala pa din silang makitang sanhi ng karamdaman ko.  Hindi na nila pinaghihinalaan ang Prostatitis, sapagka’t nabigyan na ako ng mga gamot para dito. Para na din makasiguro, iminungkahi nilang tignan uli sa ultra-sound ang prostate at bladder ko. Kinailangan kong uminom ng madaming madaming tubig para sa test na ito, kailangan daw kasing makita nila ang bladder ko pag puno ng tubig at pag walang laman ito. Pagkatapos kong ilabas ang tubig na ininom ko para sa susunod na ultra-sound ay nakaramdam ako ng matinding sakit sa bandang ibaba ng aking tyan. Pagkatapos noon ay palagi ko na lang nararamdaman na ako’y naiihi tuwing 15 minuto. Nagtaka ang mga doktor at naghinala na may iba pa akong karamdaman na hindi pa nila nakikita. Iminungkahi na nila ang CT-Scan para sa pagtingin sa aking tyan.

Matapos ang CT-Scan, nakita na din nila sa wakas ang sanhi ng sakit na nararamdaman ko at pati na din ng aking madalas na pag-ihi. May malaking bukol pala sa aking tyan na nakapatong sa aking mga bituka at sa ibabaw ng aking bladder. Marahil ay nakatago daw ito dati at bigla na lang nagalaw noong ako ay uminom ng madaming tubig. Naging “blessing in disguise” pa pala ang mga pangyayari. Nakita sa biopsy na hindi naman cancerous ang bukol at mukhang kaya naman daw pagalingin ng gamot.

Sa pag-uwi namin, dadaan na naman ako sa isang pagsusuri. Matagal man ang gamutan ng aking karamdaman, malaki ang tiwala kong hindi Nya ako papabayaan!